Ang FamilySearch ay isa sa pinakamalalaking koleksyon ng mga genealogical data sa mundo, na kinuha mula sa mga pamahalaan, simbahan, at iba pang mapagkukunan upang masuri para sa kanilang genealogical value ng bawat mananaliksik. Ang FamilySearch Family Tree ay nagbibigay na ngayon ng kakayahan sa mga user na magdokumento ng mga ugnayan ng pamilya ng magkapareho ang kasarian.
Ayon sa doktrina ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang mga kasal lamang sa pagitan ng lalaki at babae ang maaaring isagawa o mabuklod sa templo.
Mga Q&A Update para sa mga Ugnayan sa FamilySearch Family Tree
1. Bakit ginagawa ito ng FamilySearch?
Ang FamilySearch Family Tree ay idinisenyo para hikayatin ang katumpakan sa mga talaangkanan batay sa orihinal na mga pinagmulang rekord. Ang Family Tree ay nagbibigay ng kakayahan sa mga user na magdokumento ng lahat ng ugnayan ng pamilya, kabilang na ang pagpapakasal ng mga magkapareho ang kasarian at pag-aampon ng mga magkapareho ang kasarian.
2. Ito ba ay pagbabago sa doktrina ng Simbahan?
Hindi. Ang FamilySearch ay naghahangad na maingatan ang mga digital na kopya at magbigay ng access sa mga rekord ng talaangkanan at kasaysayan, at bahagi ito ng mga pagsisikap nito na tumpak na idokumento ang pamilya ng sangkatauhan. Ang Simbahan ay nagsasagawa o nagbubuklod ng mga kasal sa pagitan lamang ng babae at lalaki.
3. Maaari bang mabuklod sa isa’t isa ang magkaparehong kasarian?
Hindi. Ayon sa doktrina ng Simbahan, ang mga mag-asawang magkapareho ang kasarian ay hindi ibinubuklod sa isa’t isa, kahit na ikinasal sila nang legal. Ang isang yumaong indibiduwal na namuhay na may karelasyong may kaparehong kasarian o ikinasal sa kaparehong kasarian ay maaaring tumanggap ng lahat ng iba pang seremonya ng relihiyon sa templo na marapat sa kanya.
4. Maaari bang mabuklod sa kanila ang mga anak ng mga mag-asawang magkapareho ang kasarian?
Hindi. Alinsunod sa doktrina ng Simbahan, ang mga bata ay hindi ibinubuklod sa mga mag-asawang magkapareho ang kasarian, kahit legal nang ikinasal ang mga mag-asawa.
5. Ang FamilySearch ba ang unang genealogy site na nagpapahintulot ng pagtatala ng mga relasyon ng mga magkapareho ang kasarian?
Hindi. Ang FamilySearch ay hindi ang unang genealogy site na nagpapahintulot ng pagtatala ng mga relasyon ng mga magkapareho ang kasarian.
6. Anong mga pagbabago ang makikita ko sa Family Tree?
Kapag nagdaragdag ng asawa o magulang, maaari na ngayong magdagdag ang user ng asawa o magulang na magkapareho ang kasarian.
7. Ano ang kailangan para maidagdag ang function na ito?
Ang ilang sistemang nakapalibot sa Family Tree, tulad ng Tree at record searching, ay kailangang baguhin nang husto upang mapahintulutan ang dokumentasyon ng mga relasyon ng mga magkapareho ang kasarian bago na-release ng Family Tree ang function na ito.
8. Gumagana ba ito sa Family Tree mobile app?
Oo. Gagana ito sa mobile app kapag nag-install ang user ng mga kinakailangang update.
9. Maaari ba akong magsumite ng mga alaala (mga larawan, kuwento, dokumento) na ang paksa ay nauugnay sa mga relasyon ng mga magkapareho ang kasarian?
Ang mga pamantayan sa pagsusumite ng mga alaala (mga larawan, kuwento, dokumento) ay pareho para sa lahat ng user, at sumusunod sa Mga Tuntunin at Patakaran ng FamilySearch sa Pag-a-upload.
Kaugnay
Ang FamilySearch Family Tree ay Nagdagdag ng Kakayahang Idokumento ang Lahat ng Relasyon ng Pamilya (FamilySearch Newsroom)
Paano ako magdaragdag ng asawa o kinakasama sa Family Tree?
Paano ako magdaragdag ng magulang sa Family Tree?