Mga Sipi tungkol sa Templo at Family History mula sa Pangkalahatang Kumperensiya ng Oktubre 2025

Isang pamilya sa Mongolia na nanonood ng pangkalahatang kumperensiya noong Oktubre 2025 gamit ang isang laptop sa kanilang tahanan

Sa pangkalahatang kumperensiya ng Oktubre 2025, binigyang-diin ni Pangulong Dallin H. Oaks ang pangunahing kahalagahan ng mga pamilya sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw: “Ang doktrina ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nakasentro sa pamilya. Ang templo ay mahalaga sa ating doktrina tungkol sa pamilya. Ang mga ordenansang natatanggap doon ay nagbibigay-daan sa atin na makabalik bilang mga walang hanggang pamilya sa piling ng ating Ama sa Langit.”

Sa pagbabahagi ng mga makapangyarihang doktrina tungkol sa pamilya at pagbubuklod sa templo, inaanyayahan niya tayong makilahok sa gawain ng pag-iisa ng mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Sa pagbanggit sa yumaong Pangulong Russell M. Nelson, ipinahayag ni Pangulong Oaks, “Ang kadakilaan ay isang gawain ng pamilya. Sa pamamagitan lamang ng nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo mapapadakila ang mga pamilya.

Magpatuloy sa pagbabasa upang mabigyang-inspirasyon ng mga itinuro sa kamakailang kumperensiya tungkol sa mga pagpapalang natatanggap natin mula sa pagtuon sa mga pamilya, pakikipagtipan, at pakikilahok sa gawain sa templo. Umaasa kami na ang mga siping ito ay magbibigay-inspirasyon sa inyo habang sumasamba kayo sa templo at nakikilahok sa family history. Maaari mo ring kopyahin o i-download ang mga ito at ibahagi sa iyong pamilya at mga kaibigan.

Makilahok sa Pagsamba sa Templo


Maaari kang maghanda para sa pagsamba sa bahay ng Panginoon sa pamamagitan ng paghahanap ng templo ng malapit sa iyo sa website ng Simbahan. Tulungan ang iyong mga kamag-anak na matanggap ang mga ordenansa ng templo sa pamamagitan ng paggamit ng Mga Ordenansang Handa nang Isagawa sa FamilySearch site o sa Family Tree app.


Ituon ang Iyong Puso kay Jesucristo: Ang Sagradong Kaloob ng Musika sa Primary—Sister Tracy Y. Browning

Ibinahagi ni Sister Tracy Y. Browning, Second Counselor sa Primary General Presidency, kung paano nagtataglay ng mga mensahe ng doktrina ng ebanghelyo ang mga musikang ginagamit ng mga bata sa pagsamba na itinuturo sa Primary. Nagpatotoo rin siya tungkol sa mga pagpapala ng mga tipan na ginawa sa mga templo. 

“Alam ko na ang mga banal na templo ng Panginoon ang Kanyang bahay dito sa lupa. Sa loob ng mga ito, gumagawa tayo ng mga sagradong tipan, tumatanggap ng mga walang hanggang pagpapala, at nalalaman pa tungkol sa Kanya at mas nadarama ang Kanyang [presensiya].” —Sister Tracy Y. Browning 

“Ang templo ay isang lugar ng pagkatuto, kapayapaan, at paghahanda para sa ating buhay.” —Sister Tracy Y. Browning

“Dahil tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako, ang Kanyang mga tipan ay may alok na malaking kaaliwan at isang kanlungan at inaanyayahan tayong itatag ang ating pag-asa at katiyakan kay Jesucristo at sa Kanyang nakatutubos na kapangyarihan.” —Sister Tracy Y. Browning

Ang Panginoon ay Tumitingin sa Puso—Elder Ronald M. Barcellos

Si Elder Ronald M. Barcellos, isang General Authority Seventy, ay nagturo sa atin na nais ng Diyos na ibaling natin ang ating buong puso sa Kanya nang may katapatan at tunay na layunin sa pamamagitan ng pagsamba at bawat paglilingkod.

“Kapag pinili nating gawin ang bawat bagay na ipinagagawa sa atin ng Panginoon—tulad ng pagsunod sa mga kautusan, pagtanggap ng sakramento, pagsamba sa templo, at paglilingkod sa iba—nang taos-puso at may tunay na layunin, bawat paglilingkod at pagsamba ay nagiging makapangyarihang espirituwal na karanasan na nagpapalakas sa ating pananampalataya at patotoo at pinupuspos ang ating puso ng kagalakan at pagmamahal para sa Diyos at sa ating kapwa-tao.” —Elder Ronald M. Barcellos

“[Ang Tagapagligtas ay] inaanyayahan … tayong ipakita ang ating pagmamahal sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya at pagtupad sa mga ito.” —Elder Ronald M. Barcellos

Alamin Kung Sino Ka Talaga—Elder Brik V. Eyre

Si Elder Brick V. Eyre, isang General Authority Seventy, ay nagpatotoo na ang isang paraan upang mapabuti ang ating komunikasyon sa Diyos ay sa pamamagitan ng pagsamba sa templo.

“Dagdag pa sa mas pinadalas at pinatindi na ating mga panalangin, ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon araw-araw at pagsamba sa templo ay makatutulong na ihanda ang ating mga isipan para sa paghahayag.” —Elder Brik V. Eyre

Makipagkasundo sa Diyos—Elder Kelly R. Johnson

Ang pakikipagkasundo sa Diyos, pinatotohanan ni Elder Kelly R. Johnson, isang General Authority Seventy, ay kinabibilangan ng pag-ayon ng ating kalooban at mga kilos sa Diyos. Ang pagtupad sa mga tipan ay nagpapalakas ng ating kaugnayan sa Tagapagligtas.

“Pinatototohanan ko na ang paggawa at pagtupad ng mga tipan ay nagpapatibay sa ating [koneksiyon] sa Tagapagligtas, [at] sa gayon [naiiwasan natin] ang pagiging handa para sa kapahamakan.” —Elder Kelly R. Johnson

Mga Kaluluwang Mapagpakumbaba sa Altar Lumuluhod—Elder Jeremy R. Jaggi

Si Elder Jeremy R. Jaggi, isang General Authority Seventy, ay nag-imbita sa atin na lumapit sa mga banal na altar ng Panginoon at makipagtipan sa Kanya.

“Ang hapag ng sakramento at mga altar ng templo ay sumisimbolo sa sakripisyo ni Jesucristo at [sa] Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala.” —Elder Jeremy R. Jaggi

“Sa paggawa at pagtupad natin sa ating mga tipan, pagtanggap ng mga ordenansa ng sakramento sa simbahan at ng endowment at pagbubuklod sa templo, ibinibigkis natin ang ating sarili sa Tagapagligtas, at lalo tayong nakatatanggap ng Kanyang awa, proteksiyon, pagpapabanal, pagpapagaling, at kapahingahan.” —Elder Jeremy R. Jaggi

“Nakaunat ang mga bisig ng ating Tagapagligtas; nakalatag ang Kanyang hapag. Halina’t sambahin natin ang Anak ng Diyos sa Kanyang mga banal na altar.” —Elder Jeremy R. Jaggi

“Talagang pinahahalagahan ko ang pakikipag-ugnayan sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga tipang ginawa sa mga banal na altar.” —Elder Jeremy R. Jaggi

“Kapag nakikipagtipan tayo sa Panginoon, may nabubuong ugnayan. Ipinapakita natin ang ating katapatan at pagmamahal sa Kanya. Nadaragdagan ang ating lakas at kapangyarihan sa bawat pangakong ginawa at tinupad natin.” —Elder Jeremy R. Jaggi

“Kapag lumalapit tayo sa altar, hindi tayo nagtatamo ng gantimpala; natututuhan natin ang tungkol sa Tagapagbigay ng Kaloob. Sa pagkatuto at pakikipagtipan na iyon ay dumarating ang paggaling.” —Elder Jeremy R. Jaggi

Walang Nakaupo Mag-isa—Elder Gerrit W. Gong

Dinadala tayo ni Jesucristo sa Kanyang tuluyan upang tulungan tayong pagalingin, patotoo ni Elder Gerrit W. Gong, ng Korum ng Labindalawang Apostol. Tulad ng talinghaga ng mabuting Samaritano, inaanyayahan Niya tayo na maglaan ng lugar para sa lahat ng nasa Kanyang Simbahan.

“Sa Kanyang Simbahan at sa pamamagitan ng Kanyang mga ordenansa at tipan, lumalapit tayo sa isa't isa at kay Jesucristo.” —Elder Gerrit W. Gong

Kasimplehan kay Cristo—Elder Michael Cziesla

Si Elder Michael Cziesla, isang General Authority Seventy, ay nagpaalala sa atin na ang simpleng pamumuhay ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo araw-araw ay nagdudulot ng kapangyarihan sa ating buhay.

“Kung minsan ay minamaliit natin ang lakas na natatanggap natin mula sa mga simpleng gawain tulad ng panalangin, pag-aayuno, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, araw-araw na pagsisisi, pagtanggap ng sakramento linggu-linggo, at regular na pagdalo sa bahay ng Panginoon. Ngunit kapag natanto natin na hindi natin kailangang ‘gumawa ng mahirap na bagay’ at itinutuon natin ang ating sarili sa pagsasabuhay ng dalisay at simpleng doktrina, nakikita natin kung paanong ‘napakaganda ng nagagawa’ ng ebanghelyo para sa atin, maging sa pinakamahihirap na sitwasyon.” —Elder Michael Cziesla


Pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang Gawain—Elder Quentin L. Cook

Si Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagsalita tungkol sa mga bagay na dapat gawin ng mga banal habang minamadali ng Panginoon ang kanyang gawain, kabilang ang pagtuon sa mga ordenansa ng templo.

“Dahil sa pananampalataya at lubos na paglalaan ng mga miyembro ng Simbahan, may makukuhang mga resource upang suportahan ang mga kongregasyon—sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga chapel at templo—sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa mga kinakailangang susi ng priesthood at mga resource na inilaan, ang nakapagliligtas na mga ordenansa ay matatanggap na ngayon sa halos lahat ng panig ng mundo.” —Elder Quentin L. Cook

“Mahalagang tanggapin ang mga ordenansa at mga tipan at sumunod sa mga kautusan. Magtuon sa mga tipan na kailangan para sa kadakilaan. Dahil sa ebanghelyo naging posible ang kadakilaan, na nangangailangan ng paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan sa Diyos.” —Elder Quentin L. Cook

“Maliban sa binyag at kumpirmasyon, at paggawad ng Melchizedek Priesthood para sa kalalakihan, ang mga tipang ginagawa natin ay isinasagawa sa templo. Para sa mga yumao, ang bawat isa sa mga nakapagliligtas na ordenansang ito ay isinasagawa lamang sa templo. Kaya, ang paghahanda ng inyong sarili para sa templo ay dapat maging isang mithiin na agarang gagawin.” —Elder Quentin L. Cook

“Ang templo at ang mga ordenansa sa templo ang kinakailangan nating pagtuunan.” —Elder Quentin L. Cook

Pag-alala sa mga Tupa—Elder William K. Jackson

Si Elder William K. Jackson, isang General Authority Seventy, ay nagturo na ang pag-alala at paglilingkod sa iba sa pangalan ay isang mahalagang bahagi ng pagiging isang mabuting pastol at pagsunod sa halimbawa ng Tagapagligtas. Kasama sa kanyang mensahe ang maraming halimbawa kung paano nagagawa ng mga miyembro at lider sa simbahan ni Cristo ang "pag-monitor at pagsubaybay" sa mga anak ng Diyos at pagtulong sa paghahanap at paglilingkod sa mga nawawala.

Inanyayahan ni Elder Jackson ang mga lider na pag-isipan ang tanong na ito: "Sino ang nangangailangan . . . ng tulong sa pagdadala ng pangalan ng pamilya sa templo?" Kasama rin sa isa sa kanyang mga halimbawa ang isang "matalinong stake president" na nagtanong sa isang elders quorum president, “Puwede ka bang magbigay ng pangalan ng di-gaanong aktibong miyembro ng korum na matutulungan ninyong makapunta sa templo kasama ang kanyang pamilya ngayong taon?”?

Nagbigay si Elder Jackson ng isa pang halimbawa ng mga pinunong mabubuting pastol. “Naaalala ko ang isang district, ilang oras ang layo mula sa pinakamalapit na templo kung sakay ng eroplano, kung saan ang pagpapanatili ng current temple recommend ay isang mataas na priyoridad, sa kabila ng katotohanan na malamang na hindi ito magagamit kailanman. Sa unang Linggo ng bawat buwan, ginamit ng mga lider ang kanilang mga [tool] sa pag-monitor upang masubaybayan ang kanilang mga miyembrong endowed na. Kung nalaman nila na malapit nang mag-expire ang isang recommend, nag-iiskedyul ang executive secretary ng [interbiyu] para sa pagre-renew. Nagsasanggunian sila para sa mga taong may mga expired na recommend, pagkatapos ay hinahanap ang mga ito upang matulungan silang bumalik sa landas ng tipan.” —Elder William K. Jackson


At Ngayo’y Nakakakita na Ako—Elder Jeffrey R. Holland

Maaari tayong pagpalain ng Diyos sa anumang paraan na piliin Niya, maging sa pamamagitan ng dura at lupa tulad ng nangyari sa bulag na lalaki, o sa pamamagitan ng gawaing ginagawa sa mga inilaang bahay ng Panginoon, pagpapatotoo ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol.

“Sa isang simbahang nauunawaan ang kaloob na awa, hindi ba magiging isa pang kahanga-hangang katibayan ng katotohanan ng simbahan ang makita na matatanggap ang mga pagpapala at tipang ito ng ating mga yumaong kamag-anak, ang ating mga kapamilyang nauna na sa atin?” Dapat ba silang parusahan dahil hindi nila narinig noon ang ebanghelyo o dahil ipinanganak sila sa panahon o lugar kung saan hindi nila natanggap ang mga ordenansa at tipan ng langit?” —Elder Jeffrey R. Holland

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may sagrado at nakalaang mga bahay ng Panginoon kung saan may mga maawaing gawain ng pagliligtas na ginagawa araw-araw at gabi-gabi alang-alang sa mga patay, at nag-aalok din ng mga pagkakataong sumamba at mga ordenansa para sa mga buhay.” —Elder Jeffrey R. Holland


Nagtataglay ng Kahinahunan—Elder Ulisses Soares

Si Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagbahagi ng isang metapora mula kay Pangulong Nelson, na minsang inihambing ang pagsasaayos ng Salt Lake Temple sa pagpapalakas ng ating sariling espirituwal na pundasyon.

“Itinuro sa atin ng ating mahal na propeta na tulad ng kailangang magpatupad ng malaking proyekto para mapatibay ang templo nang sa gayon ay makayanan nito ang mga puwersa ng kalikasan, kailangan din nating gumawa ng mga di-pangkaraniwang hakbang—marahil ay mga hakbang na hindi pa natin nagawa noon—para mapalakas ang sarili nating espirituwal na pundasyon kay Jesucristo.” —Elder Ulisses Soares

Ang Kapangyarihan ng Paglilingkod sa Isang Tao—Elder Peter M. Johnson

Si Elder Peter M. Johnson, isang General Authority Seventy, ay hinikayat tayo na maglingkod sa isa't isa sa mga paraang aakay sa atin na lumapit kay Cristo habang sumasamba tayo sa bahay ng Panginoon.

“Dalangin ko na madama natin ang impluwensiya ng Espiritu Santo habang tayo ay nagiging, at tinutulungan ang iba na maging, mga tunay na tapat na disipulo ni Jesucristo at na madama ang Kanyang kagalakan habang tayo ay sumasamba sa bahay ng Panginoon.” —Elder Peter M. Johnson

“Kapag tayo ay naglilingkod sa isang tao, tayo ay nag-aanyaya sa isang tao na lumapit kay Jesucristo at na sumamba sa bahay ng Panginoon upang tumanggap ng Kanyang nagtutubos na kapangyarihan.” —Elder Peter M. Johnson

Mga kaibigan, ipinapangako kong habang ginagawa natin ang pagsasabuhay ng doktrina ni Cristo at naglilingkod sa isang tao sa paraang nakapag-aakay sa bahay ng Panginoon, tayo ay uusad pasulong nang may pananampalataya kay Jesucristo kahit may mga tanong tayo na hindi masagot at may pakiramdam na hindi tayo mahalaga, nag-iiisa, nanghihina, at napabayaan.” —Elder Peter M. Johnson

“Aanyayahan natin ang isang tao na lumapit kay Jesucristo at sumamba sa bahay ng Panginoon upang tanggapin ang Kanyang nagtutubos na kapangyarihan at pag-ibig.” —Elder Peter M. Johnson

Sa pagbanggit kay Pangulong Russell M. Nelson, sinabi ni Elder Johnson, "Sa bahay ng Panginoon, ating 'madarama ang awa [ng Tagapagligtas]. Makikita [natin] ang mga sagot sa mga tanong [natin] na lubos na bumabalisa sa [atin]. [At] mas mauunawaan [natin] ang kagalakan ng Kanyang ebanghelyo.’ (Russell M. Nelson, ‘Ang Panginoong Jesucristo ay Paparitong Muli,’ Liahona, Nobyembre 2024, 121–122.)”


Huwag Itatakwil ang Iyong Tunay na Katapatan—Elder Matthew S. Holland

Ang awa ay dumarating sa bawat isa sa atin nang paisa-isa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, paliwanag ni Elder Matthew S. Holland, isang General Authority Seventy.

"Sundin ang halimbawa ng nagsisisi na si Jonas. Magsumamo sa Diyos. Bumaling sa templo. Kumapit sa inyong mga tipan. Paglingkuran ang Panginoon, ang Kanyang Simbahan, at ang iba nang may sakripisyo at pasasalamat.” —Elder Matthew S. Holland


Ang Nakasentro sa Pamilya na Ebanghelyo ni Jesucristo—Pangulong Dallin H. Oaks

Si Pangulong Dallin H. Oaks, Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay nagpatotoo tungkol sa kahalagahan ng mga pamilya sa Plano ng Ama sa Langit. Hinikayat niya ang pagpapalakas ng mga ugnayan ng pamilya at pakikilahok sa mga ordenansa sa templo.

“Maituturo ng bawat nag-iisang ina ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ang mga biyaya ng kasal sa templo. Magagawa mo rin ito!” —Pangulong Dallin H. Oaks

Lahat tayo ay nagpapasalamat sa kasal sa templo at sa mga inaasahang pagpapala ng pagkabuklod bilang pamilyang walang hanggan.” —Pangulong Dallin H. Oaks 

“Dapat bumuo ang mga pamilya ng mga family reunion para alalahanin ang mga ninuno, na humahantong sa templo.”—Pangulong Dallin H. Oaks

“Ang buklod ng pamilya ay pinatitibay [rin] ng mga kuwento ng pamilya, paglikha ng mga tradisyon ng pamilya, at pagbabahagi ng mga sagradong karanasan.” —Pangulong Dallin H. Oaks

"Ipinaalala sa atin ni Pangulong Spencer W. Kimball na ang ‘mga kuwento ng inspirasyon mula sa ating sariling buhay at ng ating mga ninuno … ay makapangyarihang kagamitan sa pagtuturo.’ "Kadalasan sila ang pinakamahusay na mapagkukunan ng inspirasyon para sa atin at sa ating mga inapo." —Pangulong Dallin H. Oaks

“Ang kapangyarihan ng priesthood na magbuklod, na pinamumunuan ng mga susi na ipinanumbalik sa Kirtland Temple, ay pinagsasama ang mga pamilya sa kawalang-hanggan. Kasalukuyang ginagamit ang mga ito sa dumaraming bilang ng mga templo ng Panginoon sa buong mundo. Totoo ito. Maging bahagi tayo nito..” —Pangulong Dallin H. Oaks



Paghahanda para sa Templo

Kung wala ka pang temple recommend, matutulungan ka ng mga lokal na lider, tulad ng iyong bishop, na makakuha nito para sa pagsamba sa bahay ng Panginoon. Para sa iba pang tulong sa paghahandang pumasok sa templo o paghahanda at paghahanap ng mga pangalan ng pamilya, subukang iklik ang mga link sa ibaba:

Pag-download at Pagbabahagi ng mga Sipi sa Artikulo na Ito

Maaaring kopyahin at ibahagi nang malaya ang mga sipi sa artikulong ito.

Para i-download at ibahagi ang mga quote image sa isang desktop computer, iklik ang isang larawan para piliin ito, at pagkatapos ay i-right-click (para sa Windows), o pindutin ang Control habang nagki-click ka (para sa Mac), para makita ang mga opsiyon sa pag-save at pag-download. Pagkatapos mong ma-save ang isang larawan, maaari mo itong i-upload sa iyong paboritong social media site o ipadala ito sa isang kaibigan.

Para magbahagi o mag-save ng mga larawan sa isang mobile device, iklik ang larawan para buksan ito, at pagkatapos ay pindutin nang matagal ang iyong daliri hanggang sa lumabas ang menu ng opsiyon para ma-download o maibahagi mo ang larawan.

Bukod pa rito, maaari mong i-download ang lahat ng mga sipi nang sabay-sabay sa isang naka-zip na folder gamit ang button na ito:

Upang mahanap ang mga transcript ng video, audio, at teksto ng buong pangkalahatang kumperensiya noong Oktubre 2025 ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, bisitahin ang ChurchofJesusChrist.org.

Mas marami pang sipi at kuwento mula sa kumperensiyang ito ang matatagpuan sa mga artikulo mula sa Church Newsroom, LDS Living , at ang Church News.



Sa FamilySearch nais naming maikonekta kayo sa inyong pamilya, at nagbibigay kami ng masasayang karanasan sa pagtuklas at paglilingkod sa family history nang libre. Bakit? Dahil mahalaga sa amin ang mga pamilya at naniniwala kami na mapabubuti ng pag-uugnay ng mga henerasyon ang ating buhay ngayon at magpakailanman. Ang FamilySearch ay isang non-profit na organisasyon na tinatangkilik ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Para malaman pa ang tungkol sa aming mga paniniwala, mag-klik dito.

Amy Archibald, FamilySearch Blog writer and missionary, standing in front of a backdrop of trees.
Tungkol sa Awtor
Amy Archibald