Sa taong ito sa Family Discovery Day, pinanood ng mga kalahok sa RootsTech ang isang video na hindi pa kailanman ipinalabas tungkol sa buhay ng yumaong si Pangulong M. Russell Ballard. Mapapanood sa video si Pangulong Ballard nang bisitahin niya ang libingan ng kanyang asawa at ang ilang lokasyong mahalaga sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
Sa bawat lokasyon, nagsalita si Pangulong Ballard tungkol sa kahalagahan ng pag-alaala—ang tema ng RootsTech Conference para sa taong ito—at ang kapangyarihang taglay ng priesthood na bigkisin ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Maaari mong panoorin ang video na ito sa iba’t ibang platform gamit ang button sa ibaba. Maaari mo ring basahin ang tungkol sa nagbibigay-inspirasyong mga mensahe at kuwento ni Pangulong Ballard sa blog post na ito, pati na ang ilang di-malilimutang sipi.
Isinilang sa Butihing mga Magulang
Si Pangulong Ballard ay isinilang sa Salt Lake City, Utah, noong Oktubre 8, 1928, kina Melvin R. at Geraldine Smith Ballard. Naglingkod pareho ang mga lolo ni Pangulong Ballard bilang mga apostol, at siya ay isang direktang inapo ni Hyrum Smith, kapatid ng propetang si Joseph Smith.
Sa kabila ng kanyang pambihirang family tree, inilarawan ni Pangulong Ballard ang kanyang sarili noong bata pa siya bilang “isang normal at karaniwang bata.” Sinabi niya na mapagmahal ang kanyang pamilya at mahalaga ang papel na ginampanan ng mabubuting kaibigan sa kanyang buhay.
“Mabuti na lang, nagkaroon ako ng ilang mababait na kaibigan,” wika niya. “Kung maaaring magkaroon ang mga kabataan ng mabubuting kaibigang gumagawa ng mabubuting bagay at nagpapakita ng mabuting halimbawa, mayroon silang napakahalagang kaloob. At nabiyayaan ako ng mabubuting kaibigan. Espesyal ang mga araw na iyon.”
Si Pangulong Ballard ay apo nina Elder Hyrum Mack Smith at Elder Melvin J. Ballard, na kapwa naglingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol. Pumanaw si Elder Smith bago isinilang si Pangulong Ballard, ngunit kilala ni Pangulong Ballard ang kanyang Lolo Ballard at naalala niya na sumama siya rito sa mga circus noong 8 taong gulang pa lang siya.

Interesado na Siya sa Family History Kahit pa noong Bata pa Siya
Noong kanyang kabataan at nang tinedyer na siya, hindi aktibong mga miyembro ng Simbahan ang mga magulang ni Pangulong Ballard. Dahil diyan, hindi kailanman narinig ni Pangulong Ballard ang kanyang lolo Ballard na nagsalita sa simbahan—isang nakapanghihinayang na pagkakataon na ayon kay Pangulong Ballard ay pinagsisisihan niya.
Pumanaw si Elder Melvin J. Ballard noong 11 taong gulang si Pangulong Ballard, at ang burol sa loob ng Tabernacle at ang prusisyong sumunod ay nagkaroon ng matinding epekto kay Pangulong Ballard, at naging isang sandali ng pagpabago para sa kanya.
“Punung-puno ang Tabernacle,” paggunita niya. “Nasa kotse ako na kasunod ng karo ng patay papuntang South Temple at nakita ko ang pagpupugay ng mga tao sa lolo ko, at natanto ko na napakaespesyal niya. At pagkatapos ay nalaman ko ang lahat ng maaari kong malaman tungkol sa kanya. At dahil diyan ay nagkainteres akong naising alamin ang lahat ng makakaya ko tungkol sa ama at ina ng aking ina.”
Isang Pink na Sweater para sa Pangarap Niyang Babae
Noong 1948, tinawag si Pangulong Ballard na magmisyon sa United Kingdom—isang karanasang nagpabago ng kanyang buhay at naghanda sa kanya na maglingkod sa Simbahan sa hinaharap. “Ang aking misyon ay isang napakagandang karanasan sa pamumuno,” wika niya. “Binigyan ako ng mga pagkakataong mamuno, at sa palagay ko ay napakahalaga ng mga iyon sa ilan sa mga bagay na ipinagawa sa akin kalaunan.”
Nang malapit na siyang matapos sa kanyang misyon, ipinadala si Pangulong Ballard sa Scotland, kung saan napansin niya isang araw ang isang magandang pink cashmere sweater sa display window ng isang tindahan ng mga damit. Ipinasiya niyang bilhin ang sweater at ibigay ito sa magiging asawa niya, bagama’t noong panahong iyon ay wala siyang ideya kung sino ang kanyang mapapangasawa. Kalaunan, kinailangan niyang ipaliwanag sa kanyang mga magulang kung bakit niya binili iyon.

“Pag-uwi ko, inilabas ko ang mga damit ko sa maleta, at sabi ng aking ina, ‘Ano ito?’ At sabi ko, ‘Sweater po ito, at kulay pink, at maghahanap ako ng isang babae at pakakasalan ko siya!’”
Nakilala ni Pangulong Ballard ang kanyang magiging asawa sa isang “Hello Dance” sa University of Utah. Ikinuwento niya na iilang sandali pa lang niya ito naisasayaw nang kalabitin siya at patabihin ng isa pang gustong isayaw ito. Gayunpaman, naakit ng dalagita ang kanyang pansin.
“Nakilala ko ang pinakamagandang babae sa sayawan, si Barbara Bowen,” sabi ni Pangulong Ballard sa video. “Sumapat na iyon. Umuwi ako noong Setyembre ng 1950, at ibinigay ko sa kanya [ang sweater] noong Kapaskuhan.” Ikinasal sila kalaunan sa Salt Lake Temple. Si Harold B. Lee, na isang apostol noong panahong iyon, ang nagkasal sa kanila.
“Ang isa sa mga dakila at pinakamahalagang karanasan ko sa buhay ay noong lumuhod ako sa Salt Lake Temple na hawak ang kamay ni Barbara Bowen,” sabi ni Pangulong Ballard. “Napakalinaw pa rin sa akin ngayon ng sandaling iyon na para bang kahapon lang iyon nangyari.” Pumanaw si Sister Ballard noong Oktubre 1, 2018, ngunit sa paglalahad ng kanyang mga karanasan, sinabi ni Pangulong Ballard, “Nakikita ko ang kanyang mukha, at halos—kung minsan—pakiramdam ko ay mahahawakan kong muli ang kanyang kamay.”
Mga Kaisipan mula sa Kirtland Temple at Carthage Jail
“Ang pinakamagandang regalong maibibigay ko sa aking mga anak ay magagandang alaala,” sabi ni Pangulong Ballard. “Kaya nga, dinala ko sila sa bawat isa sa mga pangunahing makasaysayang lugar ng Simbahan. Isinama ko sila sa mga lugar na pinakamahalaga. Isinama ko sila sa Palmyra. Isinama ko sila sa Nauvoo. Isinama ko sila sa Carthage.”
Bilang bahagi ng dokumentaryo, binisita ni Pangulong Ballard ang loob ng Kirtland Temple. Tinawag niya ang mga paghahayag na natanggap doon ni Propetang Joseph na “isang batong panulok, sa maraming paraan, para sa pagpapanumbalik ng kabuuan ng Ebanghelyo at lalo na sa walang-hanggang kaligtasan at pagbubuklod ng mga ugnayang nagagawa sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo.”
“Ang pagkaalam lang na lumuhod kami ni Barbara sa altar at naghawak-kamay at sa kapangyarihan ng priesthood ay ikinasal kami at ibinuklod sa isa’t isa para sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan—naging napakalaking kapanatagan niyon sa akin. Siya ay akin, at ako ay kanya, at hinihintay niya ako.”
Para kay Pangulong Ballard, ang mga naunang istrukturang ito ng Simbahan ay katibayan ng malaking pananampalataya at tapang ng mga naunang miyembro ng Simbahan. “Narito ako bilang apo-sa-tuhod ni Hyrum Smith, na siyang naghukay ng mga unang pundasyon,” wika niya. “Wala pang gaanong kabuhayan ang mga banal noong mga panahong iyon. Anumang mayroon sila noon ay kusa nilang ibinigay para itayo ang bahay ng Panginoon.”
Binigyang-diin niya na ang mga miyembro ng Simbahan ngayon ay may responsibilidad na alalahanin ang ginawa at isinakripisyo para sa kanila. “Huwag nating kalimutan kailanman ang ating mga ninunong pioneer, kung sakaling malimutan natin ang ating mga ninuno at ang mga taong ginawang posible na mapasaatin ang anumang mayroon tayo, may mawawala sa atin na hindi mapapalitan,” wika niya.

Pagkatapos sa Kirtland, bumisita si Pangulong Ballard sa Carthage Jail, kung saan isinalaysay niya ang mga pangyayaring humantong sa pagkamatay ni Propetang Joseph at ng kapatid nitong si Hyrum. Habang nakaupo sa mismong silid kung saan nilusob ng mga mandurumog ang dalawang lalaki, ikinuwento ni Pangulong Ballard ang ilan sa mga nadarama niya kapag iniisip niya ang kanyang mga ninuno.
“Kapag narito ka sa silid na ito, palagay ko sa maraming paraan, nasa sagradong lugar ka,” wika niya. “Napupuspos ako ng lakas at ng kapangyarihan ng aking mga ninunong Smith at umaasa na lang ako na magawa ko ang aking bahagi.”
Pagsisimula sa Family History
“Palagay ko napakagandang bagay kapag ginusto ng mga tao na malaman kung sino sila,” sabi ni Pangulong Ballard. Ngunit saan dapat magsimula ang isang tao?
Para kay Pangulong Ballard, simple lang ang sagot sa tanong na ito. “Ang family history ay pagtatanong lang ng, sino ako?” wika niya, “Paano ako naging si Russell Ballard? Dahil sa aking ama’t ina. Kaya, gusto kong malaman ang lahat ng kaya kong malaman tungkol sa aking ama at sa kanyang pamilya, at gusto kong malaman ang lahat ng kaya kong malaman tungkol sa aking ina at sa kanyang pamilya. Sa gayong paraan, alam ko kung sino ako, at alam ko kung saan ako nanggaling.”
Hinikayat ni Pangulong Ballard ang mga tao sa lahat ng dako na “hanapin at alamin ang kaya nila tungkol sa mga taong naglatag ng pundasyon para mapasakanila ang mayroon sila sa kanilang buhay.”
Isang Huling Patotoo
Sa pagtatapos ng video, ikinuwento ni Pangulong Ballard noong tawagin siyang apostol. “Tinawag ako ni Pangulong Hinckley sa Linggo ng umaga ng Pangkalahatang Kumperensya,” wika niya. “Tinawagan niya ako, at sabi niya, ‘Russ, tapos ka na bang maligo?’ At sabi ko, ‘Opo, kanina pa po. Handa na po akong magpunta sa Kumperensya.’”
Hiniling ni Pangulong Hinckley kay Pangulong Ballard na makipagkita muna sa kanya sa opisina niya. Sumang-ayon si Pangulong Ballard, at nang magkita ang dalawa, sinabi ni Pangulong Hinckley na pinahintulutan siya ni Pangulong Spencer W. Kimball, ang propeta, na anyayahan si Pangulong Ballard na maging apostol.
Sa video, sinabi ni Pangulong Ballard, “Itinuturing ko na iyon ang pinakamalaking pagpapalang maaaring dumating sa isang tao—ang maging isang apostol, na nagpapahayag ng buhay at ministeryo ng Panginoong Jesucristo sa mga bansa sa mundo. Napakapalad ko, hindi ko iyon maipaliwanag.”
Ang video ay nagtatapos sa isang makapangyarihang huling patotoo mula kay Pangulong Ballard tungkol sa mga templo at sa nakapagliligtas na mga ordenansang isinasagawa roon para sa mga mahal sa buhay at sa mga ninuno—isang doktrina na naging napakahalaga sa kanyang buhay. “Ang priesthood, ang awtoridad na magsagawa ng mga ordenansa na may bisa sa magkabilang panig ng tabing, ay muling narito sa lupa,” wika niya. “Napakagandang malaman iyan, at isang kahanga-hangang bagay na ituro.”
“Umaasa ako kapag namatay ako na may ilan doon na magpasasalamat sa akin para sa maliliit sigurong kabutihan na ginawa ko sa buhay. Iyan ang sinisikap kong gawin, ang tumulong lang kung saan ko kaya.”
Si Pangulong Ballard ay inorden bilang apostol noong Oktubre 10, 1985, at pumanaw noong Nobyembre 12, 2023. Maaari mong panoorin ang buong video ng 2024 Discovery Day dito:

Ano ang RootsTech?
Ang RootsTech ay isang lugar para matuto, makatanggap ng inspirasyon, at makabuo ng mga ugnayan sa pamamagitan ng family history. Pinangangasiwaan ng FamilySearch at itinataguyod ng iba pang nangungunang organisasyon sa genealogy, mayroon kaming daan-daang klase mula sa mga eskperto, tips at tricks na mga video, at nagbibigay-inspirasyong mga kuwento na makatutulong sa iyo na magkaroon ng karanasan sa family history nang higit pa kaysa dati. Bisitahin ang aming on-demand learning library o gumawa ng mga plano na samahan kami sa susunod naming virtual o in-person na conference event.